hindi ko lubos maisip kung bakit nagkaganito. isa ba itong sumpa. ako'y tila paslit na walang lakas. ang mga braso'y lupaypay. ang mga talampakan ay nagkakapalan. ni minsan hindi tumulo ang luha gaano man kalalim ang sugat. kahit isang salita ay walang namutawi. lahat ay ikinukubli ng dila. ang mga mata'y malamlam at puno ng hinagpis. ang puso ay nag uumapaw sa galit. ang mundo ko'y binabalutan ng muhi at hinanakit. nais kong lumimot. talikdan habangbuhay ang bawat mapait na sandali. hayaang baunin ng lumipas ang bawat sakit na dinanas. ibaon sa nakaraan ang rehas ng pangmamaliit. ni minsan ay hindi inusal, maging isang krus ng kabiyak ngunit sa bawat araw na lumisan, batid ko ang bigat at kahirapan. ipinukol sa aking harapan, isiniwalat, ipinagsigawan, ako'y inutil, ako'y basahan, ako ang pasang krus sa buhay. ang mundo ko'y niyanig ng hapis. malungkot. mahirap. malupit. ito ang katapusan. ito ang hangganan.
isang yugtong titiklupin. isang pahinang nararapat punitin. maitim man ang sulat ng pluma, titiyaking mabubura ang bawat letra. kasaysayang hindi na dapat balikan. ito ang katapusan. ito ang hangganan.
No comments:
Post a Comment